Tuesday, February 16, 2010

Monchit

Umaga pa lang, bihis na bihis na si Monchit. Alas-otso kasi ang alis niya papunta sa bago niyang tirahan. Excited na nga siya kung anong klase ng mga tao ang makaksalamuha niya doon. Katulad ba sila ni Mang Berto na gabi-gabi ay kalaro niya ng baraha? O ni Aling Tess na maaga pa sa tilaok ng manok kung magkalat ng tsismis sa kapitbahay?

“Alam mo ba, si Monchit pala’y ikakasal na! Oo, nag-abroad lang daw yung babae para makaipon daw sila ng malaki”, isa sa mga tismis ni Aling Tess na nakarating kay Monchit.

“Ikakasal na kami. Darating na siya. Mahal ako nun kaya magpapakasal sa akin”.

“Ang tagal ana nun Monchit ha! Apat na taon na kayong di nagkikita,“ puna ni Aling Tess.

“Apat na taon? Hindi ah! Parang nung isang linggo nga lang siya umalis eh”, si Monchit.

“Bilis talaga ako sayo bata! Ganyan ang nagmamahal. Patient“, tinapik ni Mang Berto si Monchit.

“Kasi nga ikakasal na kami. Darating na siya. Mahal ako nun kaya magpapakasal sa akin”, may ningning sa mga mata ni Monchit. Kapag nabubuksan ang bagay na ito’y umaaliwalas ang kanyang mukha at walang tigil na niyang ikukuwento ang lahat ng mga nangyari sa kanila ng iniibig niyang si Dina. Sinisimulan niya ang kuwento sa kung paano sila nagkakilala. Pareho silang Nurse. Ipinakilala sa kanya ni Dr. Cuevas si Dina noong gabi ng Valentine’s Day Party nila sa ospital. Mula noo’y naging magkaibigan sila. Magkasama kung kumain sa canteen, tulungan sa pag-aasikaso sa mga pasyente, sabay umuwi, nagtatawagan sa telepono, nagsasabihan ng mga problema sa isa’t isa at makasundung-magkasundo sa lahat ng bagay. Na hindi nagtagal, nauwi sa matamis na pagtitinginan at pagmamahalan. Ngunit batid ni Dina na maraming hadlang sa kanilang relasyon. Una, magkaiba sila ng relihiyon na sinasagot naman lagi ni Monchit, “ Handa akong magpa-convert para sayo Dina”. Pangalawa, ayaw ng mama’t papa ni Monchit sa pamilya ni Dina. “Ako ang sasama sayo Dina at ako ang mamahalin mo. Tayong dalawa ang magsasama hindi kayo”. Pangatlo, ipinagkasundo na si Monchit sa anak ng pinagkakautangan ng papa niya. “Ikaw lang ang mahal ko Dina. Hindi nila magagawang paghiwalaying tayong dalawa dahil ikaw ang buhay ko”. At panghuli, nakatakda na ang pag-alis ni Dina bilang Nurse sa Canada na tatagal ng apat na taon.” Maghihintay ako Dina. Pagbalik mo, magpapakasal na tayo. Mag-iipon akong mabuti para sa kasal natin…sa kinabukasan natin. Hihintayin kita. Kasi mahal kita. Naiintindihan kita kasi iniibig kita!”.

Tanging isang retrato na lamang ni Dina ang naiwan sa kanya. Mula nang umalis ang kanyang minamahal ay naputol na ang kanilang komunikasyon. Ilang beses na siyang sumulat. Subalit walang dumarating na sagot mula sa minamahal sa Canada.

“Siguro, busy lang talaga siya“

“Baka na-delay lang lahat”

“Naligaw lang siguro yung kartero”

“Bumagsak siguro yung eroplanong nagdadala ng sulat“.

“Baka walang bolpen! Hahaha!“

Inisip na niya ang lahat ng maaaring maging kadahilanan upang pagtakpan ang kawalan nila ng komunikasyon. Lahat-lahat. Wala na halos itira. Gumuhit na siya sa tubig, nagtali ng buhangin, at nag-piano sa gitara. Lahat na ng posibilidad at imposibilidad.

Pero wala pa rin.

“Mahal ako nun. Ikakasal na kami. Darating na siya. Mahal ako nun kaya magpapakasal sa akin“, may tamis sa tinig ni Monchit, habang walang nagawa sila aling Tess at Mang Berto kundi ang tumango na lamang.

“Tara na Monchit! Nandyan na ang van. Kunin mo na yung mga gamit mo”, bungad ng lalaking nakaputing pantalon at polo. Inalalayan naman nina Aling Tess at Mang Berto ang binatang itinuring na nilang anak mula nang malaman nila ang kuwento nito. Sandaling napatigil si Mang Berto at Aling Tess nang napadaan sila sa kuwarto ng mama’t papa ni Monchit. Matagal nang ulila si Monchit. Tanging mga kasangkapan na lamang ng mga magulang niya ang naiwan sa kuwarto na ito. Nakabukas nang bahagya ang pinto kung kaya’t aninag ang nasa loob.

Nagulat sila sa nakita. Nagkalat na mga sulat! Mahigit isang daan ang mga iyon sa tantiya ni Mang Berto. Sa harap ng tokador ay may isang sulat na wari’y binasa ng tubig at pinatuyo ng maraming panahon. Dahan-dahan nilang nilapitan, kinuha at binuklat ang sulat.

“Monchit, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya, marahil sa mga oras na ito’y sakdal-impiyerno ang galit mo sa akin. Monchit, wala akong nagawa. Isang taon na ang anak namin ni Dr. Cuevas. Patawarin mo ako Monchit. Patawarin mo sana ako. Tao rin lang ako na nangungulila. Paalam…-Dina”

Napaluha si Aling Tess sa nabasa. Tila istatwa naman si Mang Berto sa pagkakatayo. Iyon marahil ang dahilan. Iyon marahil ang dahilan kung bakit ililipat na si Monchit sa Psychiatric Ward ng ospital na dati niyang pinapasukan. Sa ospital kung saan siya ay dating manggagamot…Sa ospital na ngayon sa kanya’y manggagamot. Nilapitan nila si Monchit na nakangiti pa ring naghihintay sa pag-andar ng van na sinasakyan niya.

“OK ka lang ba Monchit?“, may panghihinayang sa tinig ni Mang Berto.

“Ikakasal na kami! Darating na siya! Mahal ako nun kaya magpapakasal sa akin”, di pa rin napapawi ang aliwalas ng kanyang mukha at ningning ng kanyang mga mata na tila nagsisimula nang lumuha sa kabila ng kagalakan.

Umusad na ang van. Naiwan ang dalawang taong nalulungkot sa pagtanaw sa papalayong sasakyan habang tangan ang isang sulat na binasa’t pinatuyo ng pag-ibig at pagkahibang.

(This article is published on the literary section of “Prime Journal”, JPIA-PSBAQC’s official publication last Aug. 2004).

2 comments:

Anonymous said...

whhewww.. ang bigat jay... :(

ella

Anonymous said...

how sad.