Thursday, August 9, 2012

Heavygat Habagat



August 8, 2012, 9:30PM – Nagsimula na namang bumuhos ang ulan sa labas. Balita ng PAG-ASA, hanggang bukas pa o maaaring hanggang biyernes pa ang walang-patid na pag-ulan sa buong metro manila at mga karatig-probinsya. Kakatapos ko lang tumawag kay “mine” at inalam ang lagay nila. Nag-evacuate na sila sa lubog nilang bahay sa Marikina at nag check-in na sa pinakamalapit na matutuluyan. Mas mainam na iyon dahil mula martes, nagtitiis sila sa cupcake at noodles sa siksikang 2nd floor ng kapitbahay nila dahil lubog na lubog na rin ang kanilang bahay. Mas mainam na rin dahil nabalitaan nilang nasira na ang flood control ng Marikina at maaring magpakawala pa ng tubig ang dam.

Unang beses kong naranasan ang baha mula nung lumipat kami ng tirahan. Hindi pala madali. Dahil sa walang puknat na pag-ulan, umaga pa lang ay wala nang masakyang tricycle palabas ng subdivision. Alas sais pa lang pala ay tinigil na ang pasada dahil abot-hita na ang tubig sa kalsada. Nagdesisyon akong mag-leave muna habang pinapakiramdaman kung magdedeklara ba ng suspension ang opisina namin. Nakapagbihis na ako ng pambahay nung mga bandang alas otso, nung nagtext ang opisina at nagsabing suspended na ang trabaho. Mabuti naman.

Habang dumadaan ang araw ng martes, panay naman ang buhos ng ulan. Malakas. Biglang hihina. Titila. At magsisimulang lumakas muli. Sa mga panahong ito, iisa lang ang pinag-aalalahanan ko, si mine at ang nanay niya na taga-marikina. At di nga ako nagkamali, nasa second floor na raw sila ng kapitbahay nila dahil unti-unti nang nilalamon ng tubig ang bahay nila.

Aligaga ako sa sobrang pag-aalala. Nariyang mag-text ako na lumikas na sila habang tolerable pa ang taas ng tubig. Pero tulad ng iba nating mga kababayan, mas pinili na lamang nilang manatili sa mga 2nd floor ng mga bahay nila.

Sa bahay naman, dahil sa napaliligiran na rin kami ng tubig-baha, naisip ko na hindi malayong tumaas pa ang tubig at pasukin kami. Kaya habang maaga pa, dali-dali akong kumuha ng plastic at isinilid doon ang wallet at cellphone ko. Kasama ang bunso kong kapatid, sinuong ko ang abot-baywang na baha at naglakad ng halos dalawang kilometro para makalabas ng subdivision at makabili ng mga grocery. Hindi biro ang pagsuong pala sa baha. Nariyang naglalakad kami habang sa tabi pala nami’y may mga lumalangoy na palang ahas kaya pala yung mga tao nasa gilid lang at hindi pumupunta sa direksyon namin. May mga parte pa ng baha na itim ang tubig. Kung minalas-malas pa, ay maaari kang mahulog sa manhole. Mabuti na lamang at kabisado ko na ang daan dahil sa lingguhang pagbibisikleta ko sa village at hindi kami napahamak.

Dalawang oras kaming naglalakad sa baha ng kapatid ko – isang oras papunta sa grocery store at isang oras pabalik sa bahay. Malayo talaga dahil malapit na kami sa dulo sa floodway. Nilalamig na kami at sobrang sakit na ng hita dahil sa nilalabanan namin ang water current ng baha lalo na yung malapit sa ilog. Di ko pa makakalimutan yung biglang nakuryente ako sa ATM habang nagwiwithdraw. Basang-basa kasi ako mula ulo hanggang paa kaya grounded. Pero tolerable naman kaya tiniis ko na lang ang kuryente sa tuwing didikit ang daliri ko sa keypad ng ATM.

Pagbalik ko ng bahay matapos ang dalawang oras na paglalakad, nakaramdam ako ng pagod. Di mo pala mararamdaman ang pagod habang nasa baha ka dahil iniisip mo yung mga taong nangangailangan ng pagkain. Sa puntong ito, naisip ko, mahirap ang maging biktima ng baha pero mas mahirap pala talaga ang maging isang rescuer. Kaya saludo ako sa lahat ng mga rescuer na buong-buong tumulong at di inalintana ang ginaw, maruming tubig, ulan, puyat, pagod at ang malayo sa kanilang pamilya na malamang ay binabaha rin sa mga oras na nagre-rescue sila.

Dumating na ang gabi. Magdamag akong nagbabantay. Di nga nagkamali at pumasok na rin ang tubig sa first floor ng apartment kaya tulung-tulong kami ng kapatid at tiyahin ko na maitaas lahat ng mga gamit. Ganun ang naging eksena hanggang kinabukasan. Humupa lamang ito mga bandang tanghali nung tila sumilip na ang araw nang kaunti. Pero di pa rin nawawala ang tubig.

Hanggang ngayon mataas pa rin ang tubig. Yung mga dinaanan kong di pa lubog sa baha masyado kahapon, lubog na lubog na lahat ngayon. Hirap nga ako sa pagpepedal ng bisikleta ko dahil sa malakas na current ng tubig. Sumakit pa ang kaliwang braso ko dahil ito ang may bitbit ng bigas at mga pinamili at payong habang ang kanang kamay ko naman ay nasa manibela ng bike. Mga isang oras lang naman na ganun ang itsura ko hahaha! Tingin ko mga 800 kcalories din ang na-burn ko doon. In fairness, nakapag work out ako hehe.

Habang sinisulat ko ito, di ko maiwasang mag-isip. Sa dinami-dami ng pwedeng itanong ng mga reporter sa mga tao, tama bang itanong sa mga kababayang binaha ang mga tanong tulad ng “Nakita po natin na inuuna nyo pong ilikas ang mga bata, matatanda at mga maysakit. Bakit po sila kailangang unahin?”, “Hanggang baywang na po ang tubig dito sa bahay nyo, malalim na po ba ang tubig dito?” at “Nalulungkot po ba kayo dahil binaha kayo?”. Parang gusto ko silang itulak sa Recto underpass kasama ni Mike Enriquez na panay ang singit ng kahambugang comments habang nage-explain pa si Mayor Bistek.

Pilipino nga naman. Nagagawa pa ring ngumiti sa gitna ng kalamidad. Pero ok na rin yun dahil kahit papaano’y naiibsan ang lungkot at paghihirap na nararamdaman ng bawat isa sa mga ganitong panahon.
Hanggang sa mga oras na ito, umaapaw pa rin ang mga ilog na pumapalibot sa metro manila. Hindi pa bagyo ang tumamang ito sa buong western Luzon pero ganito na ang kinahinatnan. Sigurado, ganito na lang lagi ang mangyayari sa atin tuwing may malakas na pag-ulan kung kaya’t kailangan maging handa.

Huwag isisi sa gobyerno ang lahat. Hindi kasalanan ng gobyerno kung bakit sa tulay ka nakatira o sa gilid ng ilog dahil ilang beses ka na niyang sinabihan na umalis na doon. Hindi kasalanan ng gobyerno na umapaw ang dam at kailangang magpakawala ng tubig dahil sadyang ganoon ang function ng mga dam. Hindi kasalanan ng gobyerno kung barado ang drainage system dahil sa sangkaterbang plastik na bumabara doon.

Ganyan na talaga ang mangyayari tuwing uulan at babagyot. Baha.

Heavygat talaga itong habagat na ito! Stay safe!

1 comment:

Anonymous said...

Risks include hardware failure, blue display errors and fatal crashes.
The next step should be to decide how appreciably units we will definately bet on green
or black.

Feel free to surf to my homepage: usługi detektywistyczne warszawa