Sunday, April 22, 2012

Isang dekada, Isang pagsulyap sa pinagmulan


“Ang tagal naman! Ten years!”. Yan ang karaniwang expression kapag nabu-bore o natatagalan ang mga bagets ngayon. Ang tagal nga naman ng isang dekada. Kung marami na ang pwedeng mangyari sa loob ng isang taon, paano pa kaya yung pagkalipas ng sampung taon.

Yan ang inalam ko kanina nung umattend ako ng alumni homecoming ng batch ko – Batch 2002 ng Antipolo National High School (ANHS). Ito ang pinakamalaking pampublikong mataas na paaralan sa Antipolo. Katunayan, mahigit 2,700 kami na gumradweyt noong 2002 (source: My Certification of Honors signed by Principal).

Pasado alas tres ng hapon, sumakay ako ng taxi papunta sa high school ko. Tinahak ang kahabaan ng ortigas extension hanggang sa makarating sa bayan ng Antipolo. Habang nasa loob ng taxi, pilit kong iniisip kung anong mga sasabihin ko sa Opening Remarks. Wala akong maisip. Sa tinagal-tagal ko nang gumagawa ng mga speech tuwing maiimbitahan ako, ngayon lang ako nahirapan.. Dahil sadyang napakahirap mag-isip ng mga sasabihin sa mga taong sampung taon mo nang hindi nakikita. Isang dekada na ang nakalilipas at malamang marami na ang nagbago. Naisip ko, maaaring hindi na maging relevant sa kanila ang mga sasabihin ko
.
Pagtuntong ng bayan ng Antipolo, nakita ko ang mga hari ng kalsada – ang mga tricycle. Nagkaroon ang ideya. Sampung taon ko na ring hindi nararanasan sumakay ng tricycle pababa ng ANHS. Baka sakaling sa pagsakay ko ay masariwa ko ang mga alaala at magkaroon ako ng ideya para sa opening remarks na yun Ipinara ko ang taxi sa tapat ng mercury drug at dali-dali akong sumakay sa tricyle na nakaparada sabay sabi “Manong sa Munic po”

Ang saya ng feeling habang nakasakay ako sa tricycle. Sampung taon na ang nakalipas pero hindi pa rin nagbabago ang ruta ng mga tricycle pababa ng cogeo. Nadaanan ko ang mga dating dinadaanan. Marami nang nagbago. Malaki ang pagbabago. Di ko mapigilang ngumiti habang sinasalubong ko ang malakas na hangin habang nakasakay sa tricycle. Nalalanghap ko ang mga alikabok na nalanghap ko noon sampung taon na ang nakakalipas. Pero OK lang yun. Bigla kasing bumalik sa aking mga tanawin ang mga lugar na nagbigay sa akin ng masasaya at malulungkot na alaala.

My favorite writing spot
Nakarating ako sa Munic. Pumasok sa Gate at ang agad kong nakita ay si Mang Unying. Kina Mang Unying kami madalas bumili ng Boy Bawang, Ding Dong at ice tubig tuwing recess. Nasa likod lang kasi ng Press Office ang bahay niya kaya doon kami madalas bumili kapag tapos na akong mag-edit ng mga artikulo para sa 2nd Best National School Paper of the Philippines nung time ko – Ang Duyan kung saan isa ako sa mga dalawang Editors in Chief (yung isa yung first love ko daw haha. Peace nettish!). Napansin ko marami na talagang nagbago. Wala na yung dating stage sa quadrangle kung saan naglaglag ako ng itlog na hindi dapat mababasag bilang exercise sa Earth Science class namin noong first year. Pero nandoon pa rin ang JICA building kung saan ko natutunan ang mga kanta ng Moffats (c/o Arvie).


 Umakyat pa ako ng ilang baitang hanggang sa makarating ako sa dating Principal’s Office. Natanaw ko ang favourite spot ko sa tuwing magsusulat ako ng article o piyesa sa Ang Duyan at The Leader. Naalala ko doon ako kino-coach ni Mrs. Agustin at doon ko rin sinabi na mas gusto kong magsulat sa tagalong kaya biglang lumipat ako sa pwersa ni Kagandahan (Ms. Leyble). Hindi kalayuan doon ang Press Office na nagsilbing war room naming mga press people nung mga panahong yun.

Our classroon during our senior year
Nadaanan ko rin ang library kung saan ako kinukulong nina Mr. Berdin para maghanda sa mga taunang quiz bees – Philippines History and Government (1st year), Asian History (2nd year), World History (3rd year) at Rizal’s life and works (Ngayon alam nyo nga ang dahilan kung bakit maalam ako sa geography, culture, philosophy, history, arts at politics). Dahil kay Mr. Berdin yan na hindi ako pinatawad sa pagnguya ng adobong mani ni Ma’am Tantingco.  Naalala ko tuloy ang kauna-unahang nobela na nabasa ko noong 2nd year high school pa lang ako – The Count of Monte Cristo. Nung maka-graduate nga ako, binigay na sa akin ni Ma’am Tantingco yung libro na yun haha.

The former music room. Stockroom na lang ngayon 
Dito nangyari ang maraming kilig at sweet moments
Sa tabi ng library ay ang dating Music Room ng ANHS Grand Chorale (parang Glee Club room na napapanood nyo may drumset, big bass, rondalla, keyboard, gitara etc.) kung saan binigyan pa ako ng susi ni Maestro Dennis para makapag-practice daw ako mag-piano kapag may free time ako. Eh wala akong free time, so naging vocalist na lang ako (yun yun eh!). Bigla ko tuloy na-miss ang mga choirmates ko noon pati na ang mga members ng rondalla. Ako lang naman ang pasaway na section 1 na mas piniling mag-choir kesa mag-aral considering na running for Valedictorian pala ako haha. Sa sobrang love ko sa music, minsan di na ako pumapasok sa Integrated Calculus class ko kaya 3rd grading nung 4th year ako, wala akong grade sa calculus. Yun pala naka-84% lang ako kaya di inilagay sa report card hahaha. Ang pinakapaboritong lugar ko ay ang corridor ng music room dahil ehem... doon lang naman kami naglalandian ni “L” (kung nababasa mo ito, alam mo na kung sino ka. Thanks for everything). Sa taas ng library ay ang conference room kung saan naman nagaganap ang taunang Press Conference. Yon ang lugar kung saan nahasa ako sa pagsusulat.


Sa tapat ng building na yun ay ang room ni “C”. Si C ay isang 3rd year class president nung 4th year ako. Oo, nagkaroon kami isang sikretong relasyon. Tulad ng iba ko pang nakarelasyon (please don’t ask me kung ilan sila dahil di naman sila magkakakilala). Sabay-sabay... buhay nga naman ng pogi ohh.. (pak na pak!). Haaay those were the days. Sabi nga ni Geezel kanina “Yan pa, eh yan ang Dakilang Palikero”. Well, kasalanan ko ba kung maging magnet ako ng mga intelihente’t naggagandahang kababaihan?! Mukhang nerd lang pero Mr. Suave pala hahaha!

Eto yun... dito sa ilalim ng puno ng sampalok  ko natanggap ang matamis na  "Oo"
Konting akyat pa sa hagdan ay natanaw ko ang kwarto kung saan tinesting namin ang transformer na ginawa naming manually. First time kong mag-ikot ng wire nang mahigit 3,000 rounds na hindi natutulog magdamag para lang sa mala-Electronics and Communications Engineering class namin kay Mr. Marquez. Nakaka-relate ba kayo mga kapwa ko “utu-uto”? haha


Nakita ko rin muli ang Esperanza Canteen. Esperanza ang naging tawag dito dahil dito nag-shooting sina Judy Ann Santos at Wowie De Guzman noon sa soap opera na “Esperanza”. Memorable sa akin ang lugar na ito dahil dito ako naispatan ni Maestro matapos kong itanghal ang original composition ko na may titulong “Have you ever wonder?”. Doon nagsimula ang pagkahilig ko sa music at paggawa ng kanta. Tinuruan nya kami kung paano gumawa ng mga “hits” na mga kanta.
Dahil sa aming kakulitan, dito kami nagklase nang isang linggo. Nagbilad sa araw maghapon.
Buti na lang dumating si sir Yusay :)
Nasa pinakatuktok ng ANHS ang Ynares Covered Court kung saan namin gaganapin ang homecoming activity. Naka-set up na yung stage. Tinungo ko ang registration booth at nagpa-register. Ang tanong sa akin ni Yanna “Anong section po?”. Sinagot ko “Section 1”. Biglang tumingin yung katabi. Ang tagal bago ako namukhaan. “Jay Olos. Ikaw yung Valedictorian namin?! Di kita nakilala ah. Anong nangyari sayo?”. Nagtawanan lang kami. Sabi ko, napadaan ako sa vulcanizing shop kaya medyo lumobo.

Dahil nasa motorcade pa pala ang core group, naglibot-libot muna ako. Inakyat ko ang Ynares building. Kami ang unang-unang gumamit ng building na yun (mga pilot classes ng bawat year).
The Ynares Building
Oh this spot is where I cried a river not once but twice. I love her so much then.

Our room when we were in third year. Doon ako nakaupo sa second chair sa third row.
Imagine nyo, tinatalon namin ito dati. Trip trip lang ng P.I.G. haha
Ang daming naiwang magagandang alaala sa Ynares building. Doon nabuo ang pagkakaibigan namin nina Doms, Geezel, Angel, Nanette, George, Jeoff, SK, at Maki. Nagsimula sa simpleng sabay-sabay na paglalakad pababa sa Gate 2 at mga sama-samang paggawa ng mga school projects at movie marathon sa bahay nina Angel o SK. Doon din ako unang nagkaroon ng official GF si “honeybunch” (korni pala pakinggan haha.. nasa kabilang room lang siya hihi). Doon ko itinayo ang gang namin kasama ang aking co-founder – P.I.G. (wag nyo nang tanungin kung anong ibig sabihin nun). Sa corridor nun ako natutong tumipa ng gitara at maglaro ng jackstone. Higit sa lahat doon ako makailang ulit nangahas magmahal sa iisang dilag na nagpatibok nang totoo sa puso ko ngunit 15 times akong nabigo. We’re best of friends na ngayon. 
Dito ako madalas umupo sa sahig habang tinitipa ang gitara
Dumating na ang mga core group at nagsimula na ang programa. Pagkatapos ng Lupang Hinirang, at panunumpa, tinawag na ako para magdeliver ng Opening Remarks. Di ako prepared. Pero ang tagal daw ng opening remarks ko hahaha. Yung kaninang papunta ako na wala akong maisip na sasabihin, biglang nag-umapaw matapos kong madaanan at mabisitang muli ang mga lugar ng aking kabataan. Tapos natanaw ko pa sa audience yung isang crush ko noon. Syempre dapat, cool lang ako para swabehhhh ang dating. Tapos noong gabi na, may special appearance si sir Berdin so nag-speech siya. Batid ko na malapit sa puso niya ang batch namin at base sa laman ng mga sinabi niya, alam ko na proud siya sa amin. We are so grateful for him gracing the event. Siya lang ang teacher na nandoon. Sayang lang di na kami nag-inuman pagkatapos hahaha!


Sa totoo lang, natutuwa akong isipin na marami naman pala akong kaibigan sa ibang section. Nagbunga ang desisyon ko noon na kumawala sa section namin at maki-mingle sa ibang section at ibang years. Hindi ko kasi ma-gets ang idea na kailangang i-isolate ang pilot class sa karamihan. Sa mura kong isipan noon, batid ko na ang kahalagahan ng pakikisama at “networking” ika nga. Nagkaroon ako ng mga kaibigan sa labas ng section 1. Kahit mag-isa lang akong dumating doon (wala yung mga classmates ko except kay Geezel), ayos lang kasi may mga kakilala ako at naging mga kaibigan na rin.
With one of my best friends, Ms. Geezel (who is also our batch salutatorian)

Maraming hindi nakapunta sa reunion ng batch. Marahil ang iba ay nahihiya dahil sa kanilang estado sa buhay. Nahihiyang maikumpara sa iba. Nag-iisip na ang reunion ay tungkol sa pataasan ng lipad matapos maka-graduate sa high school. Pero sabi nga ni Confucius este sir Berdin, “Success can be defined in many ways. You can be successful economically and you can be successful in other things.”

With our mentor and friend, Mr. Berdin
Sayang dahil hindi sila nakapunta. Lahat ng mga inakala nila ay di ko naramdaman sa ilang oras ng programa na yon. Walang nagmayabang, walang nagmataas, walang nag-inarte at walang hindi nag-cooperate. Lahat cowboy, ika nga, na nagpunta doon para magsaya at sariwain ang sampung taon na nakalipas.

Habang binabagtas ko ang Marcos Highway sa aking pag-uwi mula sa reunion dalawang bagay ang natutunan ko sa reunion na ito. 1)“Hindi sukat ng tagumpay ang karangyaan at estado sa buhay. Basta masaya ka, OK nay yun at 2) Kaya ko palang hindi kumain ng kanin sa gabi.

Enjoy ang batch 2002 homecoming!

No comments: