Enero 5, 2011, bandang 7:30 ng gabi – habang hinihintay ko mag-red ang stoplight para makatawid ako ng Shaw Blvd. patungong San Miguel Avenue, napansin ko na may matandang nakaupo sa tabi ng poste ng Meralco dalawang hakbang ang layo mula sa kinatatayuan kong sidewalk sa tapat ng BPI Sheridan Branch. Sa sulok ng aking paningin, nakita ko siyang tumayo at unti-unting lumapit sa akin. Mahaba ang kanyang puting balbas. Suot niya ay maputik, patung-patong na damit na sa pinakaibabaw ay kulay dilaw na sweat shirt. Marumi rin ang kanyang pantalon na sinusuportahan ng sirang belt at isang sumbrebrong tila napulot lang niya noong araw ng pasko mula sa mga stuff toys. May bitbit siyang sira-sirang bag at payong na kulay blue.
Di maitatangging mukha siyang ermitanyo o pulubi.
Nang makalapit na siya sa akin, akala ko’y mamalimos siya. “Pwede ba magtanong?”, wika niya. Sa aking pandinig, sa tingin ko hindi siya taga-rito sa Maynila dahil sa punto ng kanyang pananagalog.
“Ano po yon?”, tanong ko.
“Saan ba sakayan papuntang Jenny's? Papunta ako ng DSWD sa Cainta kapitolyo. Sabi sakin sa Quiapo may jeep papunta sa Cainta kapitolyo”, paliwanag niya sa akin.
“Sa Cainta Municipal Hall po ba? Doon po ang sakayan nun”, itinuro ko ang direksyon kung saan may mga bus na dumadaan patungong Cainta. Nung makita niyang malayo ang aking tinuturo, tila nanghina siya. Tinanong ko siya ulit, “Taga-saan po kayo ‘tay?”
“Bohol”, sagot niya
“Bakit po kayo nandito sa Maynila?”, usisa ko.
“Nilalakad ko ang retirement pension ko. Punta ko DSWD makahingi man lamang pampagamot. Kay..may sakit ako anak. Almoranas. Masakit”, paliwanag niya. Naalala ko bigla ang nanay ni Boss ko na namatay sa sakit na colo-rectal cancer. Nagsimula lang daw yun sa almoranas. Sa tingin ko sa matandang kaharap ko, mukhang malubha na ang lagay niya. Na-curious ako sa sinasabi niyang retirement o pension kaya…
“Ano pong trabaho nyo dati?”, tanong ko
“Principal ako sa isang elementary school sa Bohol noon. Ikaw? Saan ka nag-trabaho?”, sagot niya sa akin. Ang tagal ko bago makasagot. Bigla kasi akong namangha. Principal! Isang guro ang kaharap ko.
“Accountant po ako. Dyan po ako nagtatrabaho”, sabay turo sa direksyon patungong United Street.
“Accountant?! CPA ka?” usisa niya.
“Opo”, sagot ko.
“Wow! Malaki ang sweldo mo. CPA eh. Laki yan”, nakangiti siya sa akin.
“’Ah hindi naman ‘tay. Sapat lang din. ‘Tay, gabi na po. Sarado na po ang DSWD o ang Cainta kapitolyo. May matutuluyan po ba kayo dito?”
“Pwede ako sa francia. Cogeo”. Malapit lang sa inuuwian ko sa Cogeo ang lugar na yon. Atubili akong magbigay ng direksyon sa kanya dahil hindi nga niya alam ang lugar ng Maynila. May kaibigan pala siyang naninirahan sa Penafrancia. Niyaya ko siyang sumabay na lang sa akin dahil madadaanan ko naman yung lugar na yun at maaari ko pa siyang ihatid tutal mababaw pa naman ang gabi. Tumanggi siya. Wala daw siyang dalang pera. Nakangiti niyang itinanong kung magkano ang pamasahe hanggang francia. Singkwenta pesos. Napaatras siya. Saktong singkwenta lang pala ang pera niya. Tapos kinabukasan, pupunta pa siya sa Cainta at mamasahe ulit. Umupo siya. Sinundan ko siya. Sobrang naawa ako eh. Sabi ko sagot ko na pamasahe niya at bibigyan ko na rin siya ng pamasahe para bukas. Pero ayaw talaga niya dahil mas gusto na lang daw niya magpahinga na dahil iniinda niya ang sakit na nararamdaman niya.
“’Tay, huling tanong po. Gusto nyo po bang sumabay sa akin? Sa Cogeo po ako umuuwi. Ihahatid ko po kayo sa francia”, tanong ko. Tumanggi pa rin siya. Tinuro nya ang direksyon papuntang Starmall. May waiting shed naman daw sa malapit sa overpass sa banda na yun at doon na lang siya matutulog. Desidido talaga siya na doon na lamang.
Kaya’t nagdesisyon na akong umalis. Pero bago ako umalis, may isiniksik ako sa palad niya na magagamit niyang pamasahe at pambili pangkain na rin. Nagpaalam na ako.
“Sandali lang. Anong pangalan mo?”, tanong niya sa akin.
“Jay po. Jay Olos po”, pakilala ko.
“Ah Deng… Deng Olos. Salamat… pagpapalain ka ni Hesus. Di kita kakalimutan Deng Olos”, kimi ngunit nakangiti niyang sambit sa akin.
“Jay po. J-A-Y. Jay Olos. Kayo po ‘tay, ano pong pangalan nyo”, pagtutuwid ko sa aking pangalan. Napag-alaman kong mahina na rin ang pandinig niya. Bago siya nakasagot, inipinakita niya sa akin ang kanyang Senior Citizens ID na suot suot niya.
“Peter Pelegrino”
Nag-red ang stoplight. Tumigil ang mga dumaraang sasakyan at tumawid ako patungo sa kanto ng Lourdes School. Habang nilalakad ko ang San Miguel Ave. sa tapat ng One San Miguel Avenue building, bigla kong naramdaman ang kirot sa kaliwang paa ko na sanhi ng cramps ko kanina habang nasa gym ako. Naisip ko, wala pa ang sakit na to kumpara sa sakit na iniinda ni Lolo Peter. Nasa isip ko pa rin siya habang naglalakad ako. Isang retired teacher at principal mula sa Bohol. Naglalakad ng retirement benefits niya sa Maynila. Walang pera. Walang matutuluyan. Edukadong pulubi. Nanghihina. Naisip ko na hindi pa rin sasapat ang binigay ko sa kanya. Paano ko masisigurong ibibili niya ng pagkain yon? Baka kasi ipunin lang niya para sa pamasahe niya. Hindi! Narararamdaman ko na kelangan niya ng higit na tulong.
Nang mapalingon ako sa kanan, natanaw ko ang Jollibee Hanston Square branch. Nakaramdam ako ng gutom. Simula na kasi ng diet at exercise ko nung araw na yun. Naisip ko si Lolo Peter. Di pa rin siya kumakain. Nagdesisyon ako – kakain kami! Dali-dali akong bumalik sa kinaroroonan niya. Natagpuan ko siyang nakaupo at nakayuko na tila hapung-hapo sa maghapong paglalakad at pagtitiis ng gutom. Naawa ako sa aking nakita. Nag-withdaw ako sa ATM. Dadagdagan ko ang ibinigay ko sa kanya para maging sapat na para makasakay siya ng barko pauwi sa Bohol.
“’Tay, halika kain tayo,” bungad ko sa kanya. Hinawakan ko siya sa balikat. Nahihiya siyang napangiti.
“Saan tayo kakain”, tanong niya.
“Diyan na lang sa Jollibee”, sagot ko.
“Jollibee!”, animo’y isang bata siya sa kanyang reaksyon. Bumabalik na rin pala siya sa pagkabata. Inakay ko siya patawid at tinungo naming ang Jollibee Hanston. Inaalalayan ko siya. Mabagal siya maglakad. Halatang may iniindang masakit sa isang parte ng katawan. Pinagtitinginan na kami ng mga tao na may iba-ibang reaksyon. May mga nandidiri pa sa nadadaanan namin pero wala akong pakialam sa kanila. Mas tao ko pang maituturing ang kasama kong kakain ngayong gabi.
Walang masama sa pagtulong. Pagkakataon ko ito para masuklian ang mga itinuro sa akin ng aking mga naging guro na pinagkakautangan ko ng lahat ng nalalaman ko ngayon. Si Lolo Peter ay isang guro. Ang gagawin kong ito ay isa lamang pagtanaw ng utang na loob. Pagkat noong ako’y uhaw at gutom sa karunungan, silang mga guro ang bumusog sa akin. Ngayon, isa na akong propesyunal na may nakilalang isang gurong nagugutom at nangangailangan ng tulong. Bilang ganti, siya naman ang bubusugin ko.
One-piece fried chicken with rice, pineapple juice at peach mango pie. Habang kumakain kami, napansin kong di niya masyadong kinain ang fried chicken. Panay ang inom niya ng pineapple juice. Ibabaon na lang daw niya iyon para may makain pa rin siya bukas. Biglang nanahimik ang mga maiingay na call center agents na nasa katabing table nang marinig nila ang sinabi niyang yon.
Marami kaming napagkwentuhan. Siya si Peter Pelegrino. Tubong Mabini, Bohol. Dating school principal. BS in Elementary Education graduate mula sa Divine Word College sa Tagbilaran at may Master’s degree pa sa Filipino. Kaya naman pala magaling siyang managalog. 70-anyos. May isang anak na nasa Bohol. Dumating sa Maynila noong March 2010 upang lakarin ang nausyaming retirement benefits na pinangako ng mga nakaraang pamahalaan. Nag-file ng candidacy para sa pagka-Pangulo noong nakaraang eleksyon at isa sa mga idineklarang nuisance candidates. Fluent mag-English. Magaling ang diction niya. Relihiyoso. Masayahin. Positibo ang pananaw sa buhay. Mabait. Simple. “Ang swerte ng mapapangasawa iho. Gwapo, macho, maputi. May pusong ginto. Siguradong maraming magkakagustong babae sayo”… Bolero rin pala siya. Hahaha!
Nagtawanan kami. Subalit sa loob ko’y nahahabag ako. Habang iniikot-ikot ko ang tinidor sa spaghetti na kinakain ko, unti-unting namamasa ang mga mata ko. Bakit ba kelangang maghirap ng mga taong tulad niya na ginugol ang buhay sa paghubog ng mga bagong henerasyon? Nasaan ang mga pangako ng mga nagdaang administrasyon?
Sana lahat ng tao tulad niya. Humanga ako sa kanyang pagiging positibo. Kahit na naghihirap na siya at tila pulubing natutulog kung saan-saan sa mga lansangan ng Maynila, naniniwala pa rin siya na matatapuan rin niya ang hinahanap niya. Kahit na unti-unti ay itinutulak na siya ng kanyang karamdaman patungo sa kanyang dapit-hapon. Sabi niya “God did not create death. There is no death. If man chooses to be kind and righteous, his name will be forever written in the book of life”. Humanga ako talaga.
“Hindi lahat ay katulad mo. Ang ibang tao, masyadong mataas ang tingin sa sarili dahil sa nakatapos sila at may mga magagandang trabaho kaya di ka pinapansin. Jay, nakasulat na sa aklat ng buhay ang pangalan mo. Mabuti kang tao. Hinipo ka ng Diyos para tulungan ako. Pagpapalain ka Niya”, nakatitig siya sa aking mga mata habang sinasabi niya ang mga salitang ito na hindi ko makakalimutan. Ayokong maramdaman niya na naiiyak ako. Kaya’t inilabas ko na lang ang cellphone ko at piniktyuran ko ang aming mga sarili.
Bago kami maghiwalay, biniro ko siya. ‘Wag ‘ka ko siyang mag-alala dahil kapag naging Presidente ako, hahanapin ko siya. Susuportahan daw niya ako at ikakampanya sa Bohol at sa buong Pilipinas pa. Nangako naman siya na kapag nakuha na niya ang pension niya, pupunta raw siya ng Cogeo at hahanapin ako. Sabi ko wag na lang dahil araw-araw naman akong dumadaan sa Shaw Blvd. Doon na lang niya ako ulit hanapin. Tumawa siya nang malakas.Naghiwalay na kami. Habang naglalakad ako, panay ang panalangin ko sa Diyos na sana ay ‘wag niyang pababayaan si Peter at ang mga tulad niya. Sana ay pahalagahan ng mga tao ang mga tulad niya. Sana imbis na sa kung anu-anong walang katuturang paggastos inilalaan ng mga tao ang mga yaman nila, maglaan na lamang sila para sa pagtulong sa mga tulad ni Peter na nangangailangan.
At sana kapag naabot ko na ang aking pangarap, mahanap ko pa rin siya upang tuparin ang kanyang munting kahilingan.